--Ads--

Umaasa ang mga biktima ng war on drugs na personal nang dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit na confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) sa February 23, 2026, matapos magpatupad ang pre-trial chamber ng special measures para isaalang-alang ang kalusugan ng dating pangulo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Atty. Neri Colmenares, abugado ng mga drug war victims, sinabi niya na maraming konsiderasyon na ang ibinigay kay Duterte dahil sa kanyang kondisyon sa kalusugan.

Aniya, kabaligtaran ang ginagawa ni Duterte kumpara sa ibang akusado, na agad naghahain ng apela para sa hearing at nagpapatuloy ang proseso nang mabilis.

Pinapatagal umano ni Duterte ang kanyang pagharap sa hearing dahil alam niyang kapag humarap na siya sa korte, matatapos na ang proseso at posibleng masentensyahan siya ng pagkakakulong.

--Ads--

Bagama’t may karapatan si Duterte na hindi personal na dumalo at mag-video appearance na lamang, umaasa ang mga abogado ng mga biktima na makikita siya sa courtroom.

Binigyang-diin din ni Colmenares na ito ay pagkakataon para maharap ni Duterte ang Pre-Trial Chamber I (PTC I) mula nang siya ay inaresto noong Marso ng nakaraang taon at patuloy na nakaditene sa ICC facility sa Scheveningen prison complex sa The Hague.

Matatandaang inihain na ng defense team ni Duterte, na pinamumunuan ni Nicholas Kaufman, ang kanilang “request for leave to appeal decision” noong Pebrero 2, kaugnay sa ruling ng korte.

Ayon sa depensa, nakaranas si Duterte ng “extraordinary injustice” sa proseso, partikular sa isyu ng kanyang kalusugan, kabilang ang umano’y paghadlang sa access sa medical records at iba pang hakbang na umano’y naglimita sa karapatan ng depensa.