--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Quezon Police Station ang isang binata na gumahasa umano sa kanyang tiyahin sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) at Quezon Police Station ang biktima ay 28-anyos na ginang habang ang pinaghihinalaan ay ang kanyang pamangkin na 19-anyos.

Inihayag ni PLt. Anthony Pagada, Deputy Chief of Police  ng Quezon Police Station na bago mangyari ang panggagahasa ay nagkayayaang mag-inuman ang biktima, pinaghihinalaan at ang hipag ng biktima.

Ayon sa biktima matapos ang inuman ay natulog na sila ngunit nang madaling araw ay nagising siya dahil naramdamang may nakadagan sa kanya.

--Ads--

Pinagsasampal niya ang pinaghihinalaan at nagpumiglas ngunit naisakatuparan pa rin ng pamangkin ang panggagahasa sa kanya at pagkatapos ay tumakas.

Natunton naman ng mga otoridad ang pinaghihinalaan matapos magreklamo sa himpilan ng pulisya ang biktima.

Ayon sa biktima, kinuha niya sa nakatatandang kapatid  ang kanyang pamangkin para mayroon silang kasama ng kanyang hipag dahil nasa ibang bansa ang kanyang mister.

Sinampahan na ng kasong panggagahasa ang pinaghihinalaan na nasa pangangalaga ngayon ng Quezon Police Station.