Ipinahayag ng P-pop girl group na BINI ang kanilang pagmamalaki bilang mga Filipina artist matapos tanggapin ang Global Force award sa Billboard Women in Music Awards na ginanap noong Abril 29 (Abril 30 sa Pilipinas), kung saan iginawad ito ng aktres-model na si Cara Delevingne.
Ang walong miyembro ng grupo, na kinabibilangan nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena—ay kabilang sa mga babaeng pinarangalan sa nasabing seremonya, bilang pagkilala sa kanilang ambag at representasyon ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Binigyang-diin ng grupo na tinatanggap nila ang parangal hindi lamang bilang BINI, kundi bilang mga proud Filipina na nagdadala ng musikang Pilipino sa buong mundo.
Ang pagkilalang ito ay kasunod ng kanilang makasaysayang pagtatanghal bilang kauna-unahang homegrown Filipino act sa Coachella, gayundin ang kanilang pagganap sa Global Spin Live ng Grammy Museum.








