--Ads--

Pinaigting ng pamunuan ng Barangay Villasis, Santiago City ang pagpapatupad ng curfew hours sa mga kabataan bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa komunidad lalo na tuwing gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Omar Dangilan Hepe ng Barangay Tanod ng Villasis, sinabi niya na saklaw ng curfew ang mga menor de edad mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga habang ang mga nasa tamang gulang ay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.

Nitong buwan ng Enero ay wala pa umanong naitatalang nahuhuling lumalabag sa curfew dahil na rin umano sa masigasig na pagbabantay ng mga barangay officials at tano sa barangay.

Gayunman, noong nakaraang taon ay umabot aniya sa mahigit 20 kabataan ang nahuli dahil sa paglabag sa curfew. Karamihan sa mga ito ay mga naglalakad sa dis oras ng gabi kung saan dayo ang ilan sa mga ito.

--Ads--

Ang mga menor de edad na nahuhuli ay dinadala sa Barangay Hall at ipinatatawag ang kanilang magulang para pagsabihan. Ang mga hindi naman menor de edad ay pinapatawan ng community service bilang parusa.

Pinaalalahanan naman ni Dangilan ang mga residente pangunahin na ang mga magulang na makipagtulungan sa Barangay upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan sa komunidad.