Nagasagawa ang militar ng China ng joint naval at air training exercise sa paligid ng pinag-aagawang Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea nitong Linggo.
Ayon sa People’s Liberation Army Southern Theater Command, isinagawa ang pagsasanay sa karagatan at himpapawid sa paligid ng Bajo de Masinloc, na tinatawag naman ng China na Huangyan Dao.
Sinabi ng Chinese military na layunin ng pagsasanay na subukan at palakasin ang kanilang kakayahang protektahan ang territorial sovereignty at maritime rights and interests ng China.
Inilarawan din ng China ang operasyon bilang tugon sa mga hakbang ng ilang bansa na umano’y nakaaapekto sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Samantala, hindi pa agad naglabas ng pahayag ang Philippine Embassy sa Beijing kaugnay sa naturang military exercise.
Ang Bajo de Masinloc ay nasa layong 124 nautical miles mula sa Masinloc, Zambales, at nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Noong 2016, sinabi ng Permanent Court of Arbitration na ang Bajo de Masinloc ay isang high-tide feature at walang sariling exclusive economic zone o continental shelf.
Hindi kinikilala ng China ang naturang ruling at patuloy nitong inaangkin ang Bajo de Masinloc.










