Pinuri ng National Maritime Council (NMC) ang pagsusumite ng Pilipinas sa United Nations Secretariat ng opisyal na nautical chart ng Bajo de Masinloc at mga nakapaligid na maritime zone nito noong Hulyo 29.
Ayon kay NMC Undersecretary Alexander Lopez, isang mahalagang hakbang ito upang muling pagtibayin ng bansa ang soberanya nito sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ngunit inaangkin din ng China.
Sinabi ni Lopez na ipinapakita sa isinumiteng nautical chart ang mga maritime zone na nakapalibot sa Bajo de Masinloc bilang patunay ng karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas sa lugar.
Samantala, sinabi ni Presidential Assistant for Maritime Concerns Secretary Andres Centino na ang pagsusumite ay alinsunod sa Article 16 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nag-aatas sa mga coastal state na magsumite ng impormasyon hinggil sa kanilang maritime entitlements.
Ayon kay Centino, makatutulong ang hakbang na ito upang higit na mapagtibay at mapalakas ang pag-aangkin ng Pilipinas sa naturang teritoryo.
Sa kabila ng posibleng reaksyon ng ibang bansa, sinabi ni Centino na mahalaga ang pagsunod ng Pilipinas sa itinakdang proseso ng United Nations.
Dagdag pa ni Lopez, magsisilbi ring gabay ang nautical chart sa mga barkong dumaraan sa lugar upang malaman ang mga bahagi ng karagatan na maaaring mapanganib sa paglalayag.
Ipinaliwanag din niya na ngayon lamang naisumite ang chart dahil dumaan ito sa masusing teknikal at siyentipikong proseso bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng bansa na mapalakas ang maritime governance at mapagtibay ang mga karapatan nito sa karagatan.










