--Ads--

Nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng madugong engkuwentro sa pagitan ng Philippine Army at New People’s Army sa Negros Occidental noong Abril 19 na ikinasawi ng 19 katao.

Ayon sa CHR, may “inconsistencies” sa pagkakakilanlan ng mga nasawi. Iginiit ng militar na pawang mga rebelde ang mga ito, habang sinasabi naman ng ilang organisasyon na may mga sibilyan sa hanay ng mga biktima.

Kabilang sa mga nasawi sina Alyssa Alano, community journalist na si RJ Nichole Ledesma, at Filipino-American activists na sina Lyle Prijoles at Kai Sorem.

Kinilala naman ng NPA ang pagkamatay ng isa nilang lider at ilang kasamahan ngunit iginiit na may mga sibilyan ding nasawi sa insidente.

--Ads--

Binigyang-diin ng CHR na kinakailangan ang masusing beripikasyon sa magkasalungat na pahayag, at sa ilalim ng International Humanitarian Law, hindi puwedeng basta-basta targetin ang mga inosenteng tao o mga lugar na pangkaraniwan lang. Dapat alam at iniiwasan ang pag-atake sa kanila.

Iniulat din na daan-daang residente ang naapektuhan ng bakbakan. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Tanggol Magsasaka, mahigit 650 katao mula sa 168 pamilya ang lumikas sa Barangay Salamanca at Barangay San Jose sa Toboso.

Sinabi naman ng militar na coordinate ang mga paglikas sa lokal na pamahalaan.

Nanawagan din ang CHR ng isang agarang, patas, at independent na imbestigasyon, pati na rin ng kooperasyon mula sa lahat ng panig.