CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Station 2 at Station 4 ng Santiago City Police Office (SCPO) ang isang lalaking gumahasa sa kanyang 5-anyos na PWD na pamangkin.
Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng mga kasapi ng pulisya ang pinaghihinalaan matapos magsumbong ang nanay ng biktima.
Sa nakuhang impormasyon Bombo Radyo Cauayan, nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan ang nanay ng biktima kaya pumunta sa ospital at naiwan sa kanilang bahay ang dalawang anak na edad tatlo at lima kasama ang kapatid ng kanyang asawa.
Habang nasa ospital ang nanay ng biktima ay isinagawa naman ng pinaghihinalaan ang panghahalay sa 5-anyos na biktima.
Nalaman na lamang ng nanay ang nangyaring pang-aabuso nang magsumbong sa kanya ang kanyang anak.
Nakikituloy ang pinaghihinalaan sa bahay na tinitirhan ng pamilya ng biktima habang nagtatrabaho bilang construction worker.
Kasong qualified sexual assault at qualified statutory rape ang kakaharapin ng pinaghihinalaan at kapag napatunayang guilty ay habambuhay na makukulong.
Mayroon umanong suliranin sa pag-iisip ang pinaghihinaaan na nasa pangangalaga na ng Station 4.
Desidido naman ang nanay ng biktima na ituloy ang kaso laban sa kapatid ng kanyang asawa.
Patuloy ang paalala ng pulisya sa mga biktima ng pang-aabuso na huwag matakot magsumbong dahil pangangalagaan nila ang kanilang kaligtasan at pagkakilanlan.










