--Ads--

Nagpahayag ng pagdududa ang Federation of Free Farmers (FFF) sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinatatatag ng pamahalaan ang sistema ng agrikultura upang mapalakas ang food security at mapababa ang presyo ng pagkain sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Federation of Free Farmers Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi niyang bagama’t nakatulong ang programang murang bigas sa milyun-milyong pamilyang Pilipino, hindi naman sapat na natalakay ng Pangulo ang mga konkretong hakbang upang mapataas ang produksyon ng lokal na agrikultura at maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon kay Montemayor, hindi rin nabigyang-diin sa talumpati ang mga programa para sa mga mangingisda at ang mga pangmatagalang solusyon upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.

Iginiit niya na taliwas sa aktuwal na sitwasyon ang pahayag na maayos ang kalagayan ng sektor ng agrikultura dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng pag-aangkat ng bigas at iba pang produktong agrikultural tulad ng mais, baboy, isda, at asukal.

--Ads--

Binigyang-diin niya na umabot sa 2.75 milyong metriko tonelada o katumbas ng humigit-kumulang 55 milyong sako ang inangkat na bigas ng bansa sa unang anim na buwan ng 2026, na anila ay pinakamataas na rice importation na naitala sa unang kalahati ng anumang taon.

Dahil dito, sinabi ng grupo na bumababa ang farmgate price ng mga lokal na produkto, dahilan upang maraming magsasaka ang hindi na makabawi sa kanilang gastos sa produksyon at tuluyang malugi.

Ayon pa sa kaniya hindi rin lubos na nararamdaman ng mga mamimili ang malaking pagbaba ng presyo ng pagkain sa kabila ng mataas na volume ng imported na mga produkto, kaya parehong naaapektuhan ang mga producer at consumer.

Samantala, positibo namang tinanggap ng grupo ang pagpapalakas ng crop insurance program ng pamahalaan, lalo na sa harap ng inaasahang epekto ng El Niño sa mga magsasakang lubhang naaapektuhan ng tagtuyot. Gayunman, iginiit ng grupo na nakukulangan sila sa kabuuang presentasyon at mga pahayag ng Pangulo para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.