CAUAYAN CITY- Nakatakdang kumilos ang Comelec at iba pang ahensya ng lokal na pamahalan sa pagtanggal ng mga natitirang campaign materials sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, sinabi niya na tungkulin ng mga kandidato na ipatanggal lahat ng campaign posters na kanilang inilagay sa pribado o pampublikong lugar.
Ito ay upang linisin ang syudad ng Cauayan matapos ang halalan 2025.
Ayon kay Atty. Vallejo, hindi pwedeng idahilan na sila ay natalo kaya hindi na nila tatanggalin ang kanilang mga poster.
Sakali naman na hindi matanggal lahat ng poster ay Comelec, Parole and Probation Office, at iba pang ahensya ang kikilos upang tanggalin ang mga natitirang poster.
Ang oplan baklas ng mga nabanggit na ahensya ay isasagawa sa May 22 kung saan iikutan lahat pangunahin na ang national highway.
Sa ngayon, halos natanggal na rin ang lahat ng campaign posters sa mga common poster areas dahil sa inisyatiba ng City Environment and Natural Resources subalit sa ating pag-iikot ikot, may ilan pa ring nakasabit sa ilang pribado at pampublikong lugar.