CAUAYAN CITY – Nadakip na ng mga otoridad ang ginang na nasa likod ng issuance ng pekeng lisensya sa Cauayan City.
Ang nadakip ay si Angie Perez, 42-anyos, may asawa, Sales Agent at residente ng San Fermin, Cauayan City.
Isinilbi ng pinagsanib na pwersa ng Cauayan City Police Station, Provincial Field Unit 2-Criminal Investigation and Detection Group, Regional Field Unit, Provincial Intelligence Unit Isabela Provincial Police Office ang warrant of arrest na ipinalabas ni Hukom Mary Jane Socan Soriano Presiding Judge, MTCC Cauayan City Isabela sa kasong falsification by private individual and use of falsified documents.
Dinala ang akusado sa CIDG Isabela para sa dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.
Pansamantalang makakalaya si Perez kapag nakapagpiyansa ng P36,000.
Matatandaan na buwan ng Hunyo nang mahuli ng mga otoridad ang isang tsuper na may pekeng lisensya at si Perez ang itinurong utak sa issuance nito kapalit ng P10,000 maliban pa sa isa ring tsuper na nagsurrender din ng kanyang pekeng lisensya na inissue rin ng pinaghihinalaan sa halagang P8,000.
Inamin naman ng ginang sa tanggapan ng LTO na siya ang may pakana sa pagrerelease ng pekeng lisensya na ipinagawa sa Recto.










