--Ads--

Nanawagan si Gov. Rodito Albano ng agarang panukalang batas sa Kongreso para sa Corn Tariffication Law, na layong magbigay ng karagdagang benepisyo at proteksyon sa mga corn farmers, lalo na sa panahon ng matinding tagtuyot na kasalukuyang nakaapekto sa lalawigan ng Isabela.

Kasabay ng panawagang ito, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na magbibigay ng libreng binhi at fertilizer sa mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot.

Ang buong lalawigan ay isinailalim na sa state of calamity sa pamamagitan ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan noong Marso 10, 2026, bunsod ng malubhang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na nasa 54,000 ektarya ng tanim na mais ang apektado, partikular sa mga bayan sa Northern Isabela. Patuloy naman ang pagberipika sa datos ng mga LGUs na apektado kaya posible pa itong madagdagan.

--Ads--

Ilan sa mga corn farmers, ayon sa gobernador, ay napipilitan na lamang ibenta bilang silage ang kanilang mga pananim na hindi na umabot sa tamang paglaki at hindi na maganda ang butil ng mais.

Ang silage ay ginagamit bilang pakain sa mga alagang hayop tulad ng baka at kalabaw, at karaniwang mas mababa ang halaga kumpara sa maayos na ani ng mais. Dahil dito, mas lalong lumiliit ang kita ng mga magsasaka at hindi sapat upang mabawi ang kanilang puhunan sa pagtatanim kaya humihiling sila ng libreng binhi at abono.

Dahil dito nakikipag-ugnayan na ang gobernador sa Department of Agriculture para sa posibleng libreng binhi at iba pang pang-agrikulturang tulong o ayuda na layong tulungan ang mga magsasaka na makabawi sa kanilang pagkalugi sa ani.

Binanggit din ng gobernador na dapat magkaroon ng Corn Tariffication Law na katulad ng Rice Tariffication Law (Republic Act No. 11203), na ipinatupad noong 2019 at nagtanggal ng quantitative restrictions sa importasyon ng bigas.

Naglalaan ang batas ng P10 bilyon kada taon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na ginagamit sa libreng binhi, makinarya, at pagsasanay para sa mga rice farmers upang mapabuti ang ani at kita.

Nilinaw ni Gov. Albano na layunin niyang masiguro ang parehong suporta para sa mga corn farmers upang magkaroon sila ng proteksyon at tulong sa oras ng tagtuyot o iba pang sakuna, at matiyak na hindi mauuwing lugi ang kanilang ani dahil sa mga nararanasang kalamidad.