Arestado ang isang hinihinalang high-value individual matapos makumpiskahan ng mahigit dalawang kilo ng pinaghihinalaang high-grade marijuana na may tinatayang standard drug price na P240,000 sa ikinasang buy-bust operation ng Cauayan City Police Station nitong Lunes ng gabi, Hunyo 22.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Jerry Castillo, Officer-in-Charge ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek at isinailalim sa surveillance bago tuluyang naaresto sa isinagawang operasyon.
Ayon kay PLt.Col. Castillo, dakong alas-6 ng gabi nang maisagawa ang buy-bust operation laban sa suspek na itinuturing nilang HVI dahil sa dami ng iligal na droga na kanyang naibebenta.
Aniya, ang pinakamababang transaksyon umano ng suspek ay isang kilo ng marijuana, dahilan upang ituring itong malaking supplier ng iligal na droga hindi lamang sa Cauayan City kundi maging sa ilang karatig-bayan.
Batay sa imbestigasyon, residente umano ng Cabatuan, Isabela ang suspek at personal nitong kinukuha ang suplay ng marijuana mula sa Kalinga bago ito ibinabagsak sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Narekober din sa operasyon ang motorsiklong ginagamit ng suspek sa kanyang transaksyon kung saan nakalagay umano ang mga nakumpiskang iligal na droga.
Ayon sa opisyal, naging maingat at palipat-lipat pa ng lugar ang suspek bago ang transaksyon at maging ang lugar ng pagkikita ay siya mismo ang nagtuturo upang makaiwas sa mga awtoridad.
Gayunman, matagumpay na nakaangkop ang mga operatiba sa mga galaw ng suspek hanggang sa maisakatuparan ang operasyon.Dahil sa pagkakaaresto ng suspek, naniniwala ang pulisya na malaking dagok ito sa operasyon ng mga sindikato ng droga sa lungsod at malaking kabawasan sa pagkalat ng iligal na droga sa Cauayan City at mga karatig na bayan










