--Ads--

Nagtungo ang programang Hospital on Wheels sa bayan ng Burgos, Isabela kung saan tinatayang aabot sa 100 pasyente ang target na maoperahan sa kanilang medical at surgical mission, ngayong araw, Pebrero 8.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong August Vergara, Executive Director ng Hospital on Wheels, ang bayan ng Burgos ang ikalawang munisipalidad na mapupuntahan ng kanilang bus sa lalawigan, samantalang ang bayan ng Roxas ang kauna-unahan nilang pinuntahan.

‎Dagdag pa niya, mula pa noong 2007 hanggang sa kasalukuyan ay nakapagsagawa na sila ng 421 medical at surgical mission sa buong Pilipinas at mahigit-kumulang 40,000 pasyente na ang kanilang nagamot.

‎Ibinahagi rin ni Vergara na nagsimula ang Hospital on Wheels dahil sa passion ng founder nitong si Dr. Jim Sanchez, na siya ring may-akda ng librong “Surgery Under Nerve Blocks and Local Anesthesia.”

--Ads--

‎Kilala si Dr. Sanchez bilang pioneer sa paggamit ng SuPER-A o Surgery Under Peripheral Extension Regional Anesthesia technique, kung saan maaaring maisagawa ang malalaking operasyon habang gising ang pasyente upang mabawasan ang gastusin.

‎Ayon pa kay Vergara, ang surgical operations ang karaniwang may pinakamahal na bayarin sa mga ospital at kadalasan ay hindi ito kayang tustusan ng maraming pasyente. Dahil dito, layunin ng kanilang organisasyon na matulungan ang mga mamamayang hindi kayang magbayad ng malaking halaga para sa operasyon.

‎Kabilang sa mga operasyong kanilang isinasagawa ang pagtanggal ng bukol, luslos, bingot, at iba pa.

‎Ibinida rin ni Vergara na lahat ng kanilang serbisyo ay libre at wala ring anumang requirements na kailangang dalhin ang mga pasyente upang makapag-avail ng kanilang serbisyo.