Maagang sinimulan ang ilang team events ng CAVRAA Meet 2026 tulad ng basketball games dahil ginaganap ito sa open area ng Santiago Sports Complex, kumpara noong nakaraang taon na ginanap sa loob ng University of La Salette.
Dahil sa matinding init ng panahon, naging hamon ito sa mga manlalaro, na siya ring naging dahilan ng mas umiinit na tensyon sa loob ng court.
May ilang insidente ng girian sa pagitan ng mga players, dahilan upang agad na mamagitan ang mga officiating at technical officials.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Basketball Tournament Director Ginoong Jerry Tangan, patuloy nilang ina-assess hindi lamang ang kakayahan kundi pati ang disiplina ng bawat manlalaro.
Dagdag pa niya, kung ihahambing sa nakaraang taon, mas kapansin-pansin ngayon ang taas o height advantage ng mga players, na maaari umanong maging malaking bentahe sa mas mataas na antas ng kompetisyon gaya ng Palarong Pambansa.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang evaluation ng mga atleta habang inihahanda ang mga ito para sa mas mahigpit na laban sa mga susunod na araw.










