Bilang bahagi ng 2026 Rabies Awareness Month, isinagawa ng Isabela Provincial Veterinary Office (PVET) ang Nationwide Simultaneous Anti-Rabies Vaccination Drive kahapon, March 11, 2026, sa Barangay Napaccu Grande at Barangay Sinippil, Reina Mercedes, Isabela.
Ayon sa Provincial Veterinary Officer na si Dr. Helen Sevilla, ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office ng Reina Mercedes, kung saan kabuuang 286 na aso ang matagumpay na nabakunahan laban sa rabies.
Layunin ng vaccination drive na maprotektahan hindi lamang ang mga alagang hayop kundi pati ang komunidad laban sa rabies, at palakasin ang kampanya para sa responsableng pag-aalaga ng mga hayop.
Bahagi ang inisyatibong ito ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan upang suportahan ang pambansang layunin na makamit ang isang Rabies-Free Philippines.
Maliban sa pagbabakuna, nagsagawa rin ang PVET Isabela ng castration o pagkapon sa mga alagang aso at pusa bilang bahagi ng animal population management at pagpapabuti ng kalusugan ng mga alagang hayop.
Ayon sa iskedyul ng PVET, magpapatuloy ang vaccination at animal care drive sa iba pang bayan sa lalawigan. Sa March 18, isasagawa ang aktibidad sa Cauayan City kasabay ng information, education, and communication (IEC) campaign laban sa rabies.
Sa March 19 naman, pupunta ang PVET sa Mabini, Gamu, Isabela para sa parehong programa. Samantala, sa March 21, sa San Mateo, Isabela, isasagawa ang Pet Medical Caravan, IEC, vaccination, spay, at castration services para sa mga alagang hayop.
Susunod naman ang bayan ng Delfin Albano sa March 23 at March 24 sa San Isidro para sa mass vaccination ng mga alagang aso at pusa. Sa March 25, isasagawa ang mass vaccination at libreng spay at castration sa Ramon, Isabela; sa March 26 naman sa Aurora; at sa March 31 sa Tumauini.
Tiniyak ni Dr. Sevilla na ang lahat ng isasagawang aktibidad ay libre at house-to-house upang mapuntahan ang mga residenteng may alagang aso at pusa.
Hinihikayat ng tanggapan ang lahat ng may-ari ng alagang hayop na regular na ipabakuna ang kanilang mga alaga at aktibong suportahan ang mga programang nagtataguyod ng kalusugan ng hayop at kaligtasan ng publiko.











