--Ads--

Arestado ang isang lalaki matapos tangkaing sunugin ang isang furniture shop sa Purok 2, District 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek bilang alyas “BJ,” 37-anyos, furniture carpenter at residente ng naturang lugar ngunit tubong Burgos, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan at sa Cauayan City Police Station, isang residente ang nakapansin ng usok sa lugar. Agad niyang tinungo ang pinagmulan nito at nakita ang isang nasusunog na gulong sa likod ng furniture shop, kaya dali-dali siyang humingi ng tulong upang maapula ang apoy.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isang testigo ang nagsabing nakita umano ang suspek na naglagay ng gulong malapit sa establisyimento, binuhusan ito ng barnish, at sinilaban.

--Ads--

Dahil sa mabilis na pagtugon ng mga residente, agad na naapula ang apoy at hindi na ito kumalat. Gayunpaman, bahagyang nasunog ang bubong ng gusali.

Napag-alaman na may personal na galit ang suspek sa biktima, na posibleng naging motibo sa krimen.

Naaresto ang suspek sa tulong ng mga barangay officials at kalaunan ay isinuko sa pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Sinubukan din ng Bombo Radyo Cauayan na kapanayamin ang biktima para sa karagdagang impormasyon, ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag.