Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, hindi na umano mababago ang laman ng draft committee report na nagmumungkahi ng pagsasampa ng kasong plunder at malversation laban kina Senador Joel Villanueva, Francis Chiz Escudero at Jinggoy Estrada, pati na rin kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr.
Paliwanag ni Lacson, magiging hindi angkop kung babawiin pa ang rekomendasyon ng komite lalo na’t ang ilang kaso, partikular laban kay Sen. Villanueva, ay sumailalim na sa preliminary investigation at may mga kasong naisampa na ng National Bureau of Investigation. Aniya, malaking bahagi ng ebidensiya sa mga kasong ito ay nagmula rin sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaya hindi na praktikal na hindi irekomenda ang paghahain ng kaukulang kaso.
Noong nakaraang linggo, kinumpirma rin ni Lacson na kabilang sa draft report ang dating kongresista na si Zaldy Co at dating Department of Public Works and Highways chief Manuel Bonoan, kasama ang iba pang indibidwal, batay sa mga testimonya ng mga dating inhinyero ng ahensya.
Kinakailangan ng dokumento ang lagda ng hindi bababa sa 11 miyembro ng komite bago ito maisumite para sa talakayan sa plenaryo ng Senado. Kailangan din ang pirma ng kahit isang miyembro mula sa minority bloc, partikular ang Minority Leader na si Sen. Alan Peter Cayetano. Ayon kay Lacson, kung walang pipirma mula sa minorya, kailangang suriin ang mga patakaran ng Senado upang matukoy ang magiging implikasyon ng isang committee report na puro mula sa mayorya ang mga lumagda.
Dagdag pa niya, hindi ito usapin ng kumpiyansa kundi pagsunod sa patakaran, at kung hindi makakakalap ng 11 pirma ay hindi matutuloy ang pagsusumite ng committee report.
Sinabi rin ni Lacson na magsasagawa pa ang komite ng isa o dalawang pagdinig bago buuin ang pinal at kumpletong bersyon ng ulat, at hindi pa kabilang sa kasalukuyang partial at unofficial report ang ikapitong pagdinig.
Bukod dito, bukas umano si Lacson na isumite ang ulat sa Office of the Ombudsman at sa Department of Justice bilang Chairman’s Report sakaling hindi makakuha ng sapat na lagda, lalo’t pampubliko naman ang mga pagdinig at mula sa mga ito nagmula ang mahahalagang ebidensiyang naging batayan ng mga kaso.











