--Ads--

Muling inaayos at pinalalakas ng mga health worker sa Democratic Republic of the Congo ang mga Ebola treatment center habang nagpapatuloy ang mabilis na pagkalat ng Ebola outbreak sa bansa.

Ayon sa datos mahigit 130 na ang naitatalang hinihinalang nasawi habang umaabot na sa higit 500 ang mga suspected cases ng sakit sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Patuloy nahihirapan ang mga health authorities na makontrol ang outbreak dahil sa mabilis na hawahan, kakulangan sa medical resources, at limitadong access sa ilang komunidad na apektado ng kaguluhan at kahirapan.

Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan at international health organizations ang muling pagbubukas at rehabilitasyon ng mga isolation at treatment facilities, pagpapadala ng karagdagang medical personnel, at pagpapalawak ng contact tracing at vaccination efforts.

--Ads--

Nagbabala rin ang mga eksperto na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga kaso kung hindi agad mapipigilan ang pagkalat ng virus lalo na sa mga matataong lugar.

Patuloy namang hinihikayat ng mga opisyal ang publiko na makipagtulungan sa mga health worker at agad na magpakonsulta sakaling makaranas ng sintomas ng Ebola upang maiwasan ang mas malawak pang pagkalat ng sakit.