--Ads--

Muling umugong ang kudeta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos mabuko ang pag-uusap umano nina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at Vice President Sara Duterte.

Base sa impormasyon, itinutulak umano ni Duterte si Arroyo na muling pamunuan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya nagkakaroon na umano ng recruitment efforts sa Kamara para patalsikin si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Upang maagaw ang liderato kay Dy, kailangan na 160 kongresista pataas ang dapat ma-recruit ng mga Metro Manila at Mindanao solon subalit hindi pa umano umabot sa 30 ang nagpahayag ng suporta sa pinaplanong kudeta.

Si Arroyo ay unang naging Speaker noong June 2018 matapos ang matagumpay pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, kung saan maugong na tinulungan umano siya ni Duterte na noo’y Mayor pa lamang ng Davao City.

--Ads--

Gayunpaman, duda si Caloocan City Rep. Edgar Erice na magtatagumpay ang kudeta laban kay Dy hangga’t “naghihintay ng biyaya” ang karamihan sa mga mambabatas kung saan tanging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang makakatupad.

Maliban dito, wala umanong problema ang karamihan sa mga kongresista sa liderato ni Dy na kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) kung saan merong 40 miyembro sa Kapulungan sa kasalukuyan.

Nilinaw ni Erice na kahit magpalit ng liderato sa Kamara ay mananatili pa rin umano ito sa minorya bilang miyembro ng Liberal Party (LP).