Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na nasa kanilang talaan ang lahat ng sasakyang nakapangalan kay Ramil L. Madriaga, na itinuturong umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House committee on public accounts chairperson Terry Ridon, anim na sasakyan na dating pagmamay-ari ni Madriaga ay rehistrado sa LTO.
Batay sa kanyang pahayag, nakasaad sa affidavit na lahat ng sasakyang binanggit na nabili at nakapangalan kay Madriaga at sa kanyang anak ay makikita sa records ng ahensya.
Sa kanyang supplemental affidavit, iginiit ni Madriaga na tumanggap siya ng ₱25 milyon mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021 para umano sa pagbili ng mamahaling motorsiklo na gagamitin ni Sara Duterte at para rin sa operasyon ng grupong ISIP Pilipinas.
Inilahad din niya na gumastos siya ng ₱4.5 milyon para sa dalawang Harley-Davidson motorcycles at ₱5.8 milyon para sa dalawang Ducati motorcycles, kasama ang ₱500,000 na accessories. May mga Yamaha NMAX din umanong binili para sa naturang grupo, na pawang cash basis ang transaksyon.
Ayon kay Ridon, kabilang din sa LTO records ang Toyota FJ Cruiser ni Madriaga, na ayon sa kanyang salaysay ay ginamit umano sa pagkuha at pag-deliver ng confidential funds ng bise presidente noong Disyembre 2022.
Patuloy na iniimbestigahan ng Kongreso ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y paggamit ng confidential funds at ang koneksyon nito sa mga sasakyang nakapangalan kay Madriaga at sa kanyang anak.











