--Ads--

Nilinaw ng isang abogado na may ilang katanungan ang mga mambabatas na hindi pinayagang sagutin sa pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment case ni VP Sara Duterte, dahil ang mga ito ay itinuturing na usaping para na sa impeachment court sakaling umusad ang kaso sa Senado.

Kaugnay nito, sinabi nitong isang magandang resulta ang naging pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment case na kinakaharap ng bise president.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, isang constitutional expert, sinabi niya na ang hakbang ng HCOJ ay naaayon sa umiiral na batas at bahagi ng mandato ng Kamara na tukuyin kung may sapat na batayan ang impeachment complaint upang umusad sa susunod na yugto.

Pinakaimportante aniya rito, hindi na lamang ang panig ng mga kongresista ang naririnig kundi maging ang mga respondent sa kaso, pati na ang mga witness gaya ni Madriaga, Chief of Staff at spokesperson ng Bise Presidente. Dumalo rin ang ilang ahensya ng gobyerno gaya ng NBI na nagsumite ng resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa mga dokumentong ipinasa ng Office of the Vice President o OVP.

--Ads--

Ayon sa NBI, may mga nakitang kahina-hinalang detalye sa ilang acknowledgement receipts na ginamit bilang patunay sa paggamit ng confidential funds ng OVP, kabilang ang mga isyung may kinalaman sa pirma, petsa, at pagkakapare-pareho ng mga dokumento.

Samantala, iginiit naman ni Madriaga ang kanyang mga pahayag sa pamamagitan ng paglalabas ng mga resibo at larawan na aniya’y sumusuporta sa kanyang mga naunang alegasyon. Aniya, mahalagang mailahad ang mga ito upang maipakita ang kabuuang konteksto ng mga transaksyon.

Binigyang-diin din ni Cayosa na mahalagang mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko upang maunawaan ang mga nangyayari sa proseso. Aniya, hindi na lamang nakabatay sa mga pahayag ang nalalaman ng taumbayan dahil may mga opisyal na dokumentong inilabas ang mga kinauukulang ahensya na maaaring magsilbing ebidensya.

Sa huli, sinabi ni Cayosa na mahalagang masuri ng mga mambabatas kung sapat ang mga ebidensyang nakalap upang matukoy kung dapat na bang iakyat ang kaso sa Senado, kung saan gaganapin ang paglilitis at tuluyang pagpapasya sa naturang impeachment case.