--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Nueva Vizcaya at Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang mag-asawang negosyante na sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo.

Tinatayang umabot sa 85 ream ng sigarilyo ang nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan.

Kinilala ang mag-asawang negosyante na sina Jan Michael Villarta, 32-anyos at Jayleen Villarta, 31-anyos, residente ng Caloocan, Bambang, Nueva Vizcaya.

Unang ikinasa ang search operation sa naturang lugar sa pangunguna ng Nueva Vizcaya Provincial Unit at CIDG Field Unit 2 katuwang ang Bambang Police Station, 2nd NVPMFC at kawani ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation.

--Ads--

Nakumpiska ang 85 ream ng pekeng Fortune International Menthol, Fortune International Blue at Marlboro na nagkakahalaga ng P92,392.

Ayon sa CIDG Nueva Vizcaya, maingat nilang minanmanan ang mga pinaghihinalaan at nagsagawa ng test-buy sa mga inirereklamong pekeng sigarilyo na nabili umano ng mga suspek sa isang muslim dealer.

Ayon sa Philip Morris Fortune Tobacco Corporation, palatandaan na peke ang mga nakuhang sigarilyo ang pare-parehong bar code.

Babala ng mga eksperto na may kakaibang epekto sa katawan ng tao ang pagkonsumo ng pekeng sigarilyo dahil sa iba’t ibang kemikal na ginagamit rito.

Sa ngayon ay nasa kostodiya na ng mga otoridad ang mag-asawa maging ang mga nasamsam na sigarilyo at mahaharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property Rights in Relation to Article 288 at 289 ng Revised Penal Code.