CAUAYAN CITY – Nasabat sa Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya ang mahigit P4 milyon pesos na halaga ng mga iligal na pinutol na Narra.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), sa isang checkpoint sa Calitlitan, Aritao ay naaresto sina Cecilio Macalos, 43-anyos, driver, residente ng San Jose del Monte, Bulacan; Armario Cahayagan, 50-anyos, residente ng Kurbada Norzagaray, Bulacan at Arcadio Pascual, 50-anyos, pahinante at residente ng Pinukpuk, Kalinga.
Batay sa mga awtoridad, naharang ng DENR Nueva Vizcaya at Aritao Police Station sa naturang checkpoint ang truck na kinalululanan ng mga pinaghihinalaan at nakita ang 81 piraso ng narra na mayroong sukat na 8,155 board feet.
Batay sa pagtaya ng DENR Nueva Vizcaya, nasa mahigit sa P4 million ang halaga ng mga nasabat na kahoy na ibabagsak sana sa Pasig City.
Walang maipakitang kaukulang dokumento ang mga pinaghihinalaan.
May hinala ang mga otoridad na galing sa lalawigan ng Kalinga ang mga kahoy na nasamsam.
Mahaharap ang mga pinaghihinalaan sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Anti illegal Logging Act.
Ito na ang pangalawang beses na nakaaresto ng mga illegal loggers ang mga kasapi ng PNP Nueva Vizcaya ngayong linggo at ito ay galing sa ilang lalawigan sa Cordillera Administrative Region (CAR).










