CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang lalaki dahil sa tangkang pagpuslit ng mga iligal na pinutol na kahoy sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) at Sta. Fe Police Station, nasabat sa Caloocan, San Nicolas, Pangasinan ang nasa 804 board feet na mga iligal na pinutol na kahoy na nagkakahalaga ng mahigit P400,000.
Naaresto ang isa sa mga pinaghihinalaan na si Angerick Epic, 27-anyos at residente ng Cabugao, Apayao.
Nakarehistro sa Makati City ang minamaneho ni Epic na sasakyan na pinagsakyan ng mga iligal na kahoy.
Sa pagtutulungan ng DENR Nueva Vizcaya, San Nicolas Police Station sa Pangasinan at Santa Fe Police Station ay isinagawa ang isang checkpoint na nagresulta sa pagkakaaresto ng pinaghihinalaan.
Nakumpiska ng Sta. Fe Police Station ang inabandonang Narra lumber na hinihinalang kasama ng minamanehong sasakyan ni Epic.
Nasa 983.39 board feet na nagkakahalaga ng P491,695 ang nakuha sa inabandonang sasakyan na may plakang NF 11648 sa Maliko-Pangasinan Road sa Villaflores Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Dinala na sa tanggapan ng DENR ang mga nasamsam na kahoy para sa kaukulang disposisyon.
Kakasuhan ng paglabag sa Presidential Decree 705 (illegal logging act) ang pinaghihinalaan habang patuloy pang hinahanap ang kasamahan nito.










