--Ads--

Walang ibang naisalbang gamit ang may-ari ng isang residential house na nasunog sa bahagi ng Brgy. Centro East Santiago City.

Matatandaang kahapon ng umaga nang maitala ang sunog sa nasabing lugar na agad namang narespondehan ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection ngunit mabilis na kumalat ang apoy na tinupok ang bahay maging ang isang tricycle na nakaparada tabi ng bahay.

Ang may-ari ng bahay ay kinilalang si Neda Alvares.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer o SFO1 Elvin Vallejo ng BFP Santiago City sinabi niya na bagamat may nakatawag agad sa BFP ay mabilis umanong kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials at may kalumaan na rin ang bahay na nasunog.

--Ads--

Ayon sa kapatid ng biktima, pasado alas 6:00 nang mapansin nilang may usok sa space na pinuupahan nila sa boarders ngunit walang tao.

Naideklarang fire out ang sunog bandang alas-8 ng umaga.

Ayon kay SFO1 Vallejo, talagang malaki na ang sunog nang dumating ang kanilang mga firetruck sa lugar kaya bahagya silang nahirapan sa pag-apula lalo na at may mga kawad ng kuryente sa tabi ng bahay na dapat nilang isaalang-alang.

Ang ginawa na lamang nila ay tinutukan ang mga maaaring madamay sa bahagi ng bahay at maging sa mga katabi nitong bahay at establisimento.

Tanging ilang damit lamang ang nailigtas ng mga biktima sa nasusunog na bahay kaya nananawagan sila sa publiko sa mga nais na magbigay ng tulong.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa naging sanhi ng sunog at halaga ng pinsala ng tinupok ng apoy.