Iginiit ng IBON Foundation na hindi nangangahulugan ng tunay na pag-unlad ng bansa ang pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang isang Upper-Middle-Income Country dahil nakabatay lamang ito sa gross national income per capita at hindi sa aktuwal na kalagayan ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na ang batayan ng World Bank ay ang gross national income per capita o ang kabuuang kita ng ekonomiya na hinati sa bilang ng populasyon. Ayon sa kanya, tinatayang umaabot ito sa 4,850 US dollars o humigit-kumulang P299,000 kada tao bawat taon.
Aniya, ginagamit lamang ang naturang klasipikasyon upang matukoy kung magkano ang interest rate na ipapataw ng mga international lending institutions tulad ng World Bank sa mga bansang umutang at hindi ito idinisenyo bilang sukatan ng tunay na pag-unlad ng isang bansa.
Binigyang-diin ni Africa na sa kabila ng naturang pagkilala, marami pa ring Pilipino ang nahaharap sa kahirapan, habang nananatiling mababa ang kalidad ng trabaho at hindi sumasabay ang sahod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dagdag pa niya, posibleng maging disadvantage pa ito sa bansa dahil karaniwang mas mataas ang interest rates at mas maikli ang panahon ng pagbabayad sa mga pautang para sa mga bansang kabilang sa upper-middle-income category.
Ayon kay Africa, maaaring maramdaman ng mga Pilipino ang epekto nito sa pamamagitan ng mas mataas na gastos ng pamahalaan sa pagbabayad ng utang, na maaaring makaapekto sa pondong inilalaan para sa iba pang mahahalagang programa at serbisyo.
Gayunman, sinabi niyang maaari pa ring magkaroon ng positibong epekto kung magagamit nang maayos ang mga pondong uutangin para sa mga proyektong makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga mamamayan, partikular sa sektor ng agrikultura at iba pang mahahalagang industriya.
Samantala, iginiit ng opisyal ng IBON Foundation na mas makabubuti kung palalakasin ng pamahalaan ang pangongolekta ng buwis mula sa malalaking negosyo at mayayamang sektor upang magkaroon ng sapat na pondo para sa mga programang direktang makikinabang ang mas nakararaming Pilipino.











