Muling isinusulong ng pamahalaan ang P90-bilyong Parañaque Spillway Project upang mabawasan ang pagbaha sa paligid ng Laguna de Bay at mapahusay ang suplay ng isda at tubig sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Pinangungunahan ng DA at LLDA ang proyekto, na kinabibilangan ng 10.5-kilometrong underground spillway na mag-uugnay sa Laguna de Bay at Manila Bay. Inaasahang aabutin ng hindi bababa sa sampung taon ang konstruksyon nito.
Ayon sa mga opisyal, makatutulong ang proyekto sa pagkontrol ng pagbaha sa Laguna, Rizal at Metro Manila, pagpapabuti ng kalidad ng tubig, at pagpapataas ng produksyon ng isda. Gayunman, may pangamba ang ilang residente ng Muntinlupa at Bacoor sa posibleng relokasyon at paglilipat ng panganib ng pagbaha sa kanilang mga lugar.
Tiniyak ng pamahalaan na makikipagtulungan ito sa mga ahensya at lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga isyu at makuha ang suporta ng mga maaapektuhang komunidad. Maaari ring makinabang sa proyekto ang sektor ng tubig dahil ginagamit na ang Laguna de Bay bilang pinagkukunan ng hilaw na tubig ng Maynilad Water Services Inc. para sa milyon-milyong konsyumer sa Metro Manila at Cavite.











