--Ads--

Nakiisa ang mga paaralan sa Santiago City sa isinagawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa kahandaan ng mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel sa posibleng pagtama ng malalakas na lindol at iba pang kalamidad.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joy Gabriel, Principal I ng Dubinan Integrated School, sinabi nito na mahalaga ang regular na pagsasagawa ng mga earthquake drill upang masukat at mapahusay ang antas ng kahandaan ng mga mag-aaral at mga guro sa oras ng sakuna.

‎Ayon kay Ginoong Gabriel, matagumpay na naisagawa sa kanilang paaralan ang simulation exercise kung saan sinunod ng mga kalahok ang tamang “Duck, Cover and Hold” procedure bago ang maayos at organisadong paglikas patungo sa mga itinakdang evacuation area.

‎Gayunman, sinabi nito na mayroon pang ilang aspeto na kinakailangang mapabuti upang higit na mapalakas ang disaster preparedness ng paaralan. Kabilang dito ang pagpapabilis ng evacuation procedures, pagpapahusay ng koordinasyon ng mga response team, at ang patuloy na pagbibigay ng kaalaman at pagsasanay sa mga mag-aaral hinggil sa mga wastong hakbang bago, habang at pagkatapos ng lindol.

--Ads--

‎Binigyang-diin din pa ng Principal ang kahalagahan ng patuloy na pagsasagawa ng mga drill upang matukoy ang mga kakulangan at agad na makapagpatupad ng mga hakbang na makapagpapahusay sa pagtugon ng paaralan sa panahon ng mga emerhensiya.

‎Samantala, pinaalalahanan nito ang mga mag-aaral at maging ang mga magulang na seryosohin ang mga isinasagawang earthquake drill at ugaliing maging handa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaalaman sa mga evacuation area at paghahanda ng mga kinakailangang emergency supplies sa loob ng tahanan.

‎Matatandaang, noong huling buwan ng unang quarter ng taon ay isinagawa ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa mga kawani at empleyado ng lokal na pamahalaan, habang ngayong huling buwan ng ikalawang quarter ay ibinaba naman ang naturang aktibidad sa mga paaralan bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng kampanya sa kahandaan laban sa mga sakuna.