Muling bumagsak sa panibagong record low ang halaga ng Philippine peso kontra US dollar matapos magsara ang trading nitong Biyernes sa P62.68 kada isang dolyar.
Batay sa Bankers Association of the Philippines, umabot pa sa P62.77 ang palitan sa intraday trading, mas mababa kumpara sa dating record low na P62.625 na naitala noong Setyembre 8.
Inaasahang magdudulot ito ng mas mataas na presyo ng langis dahil binibili ang commodity gamit ang dolyar, habang maaari rin nitong dagdagan ang pasanin sa sovereign debt ng bansa na isang-katlo ay utang sa foreign creditors.
Bago ang pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran noong huling bahagi ng Pebrero, nasa winning streak ang piso at umabot sa P57.53 kada dolyar noong Pebrero 23, ngunit mula noon ay patuloy na itong humina.








