--Ads--

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na tutulong sa pamahalaan laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa sitwasyon ng enerhiya kasabay ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa PNP, hahabulin at kakasuhan ang sinumang responsable sa pagpapakalat ng pekeng balita na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang panic sa publiko.

Saklaw ng mga hakbang ng PNP ang pagbabantay sa mga ulat na sinadyang linlangin ang mamamayan tungkol sa suplay ng langis at epekto nito sa ekonomiya. Pinabuti na rin ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP ang pagmamanman sa mga social media page at account na ginagamit para sa disinformation.

Gumagamit na rin ang lokal na police units ng kanilang social media accounts upang labanan ang maling impormasyon.

--Ads--

Maghahain ang PNP ng kasong kriminal laban sa mga mapapatunayang nagpapakalat ng pekeng impormasyon at katuwang ang Department of Justice (DOJ) sa pagproseso ng kaso.

Noong Linggo, nagbabala rin ang Presidential Communications Office (PCO) laban sa pagpapalaganap ng fake news tungkol sa seguridad, suplay, o presyo ng enerhiya, na maaaring pagmultahin o patawan ng pagkakakulong batay sa Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act.