--Ads--

Patuloy na nakakaapekto ang pagtaas ng presyo ng langis sa industriya ng sardinas sa bansa, dahilan upang makipagpulong ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga manufacturers hinggil sa posibleng pag-aayos ng presyo nito sa merkado.

Batay sa ulat, mula pa noong Marso ay nagsasagawa na ng konsultasyon ang DTI sa mga sardine producers upang suriin ang epekto ng mataas na fuel prices sa kanilang production costs.

Pangamba ng ahensya, maaaring mauwi ito sa pagtaas ng retail prices ng sardinas—isa sa pinaka-abot-kayang pagkain ng maraming Pilipino.

Sa kasalukuyan, nasa pagitan ng ₱15 hanggang ₱21 ang suggested retail price (SRP) ng de-latang sardinas, depende sa brand.

Para sa maraming mamimili, nananatiling pangunahing ulam ang sardinas dahil sa mura nitong presyo, kaya’t anumang pagtaas ay maaaring magkaroon ng direktang epekto sa araw-araw na gastusin ng mga pamilyang Pilipino.

Patuloy namang mino-monitor ng DTI ang sitwasyon upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga konsyumer at ng mga manufacturer.