
CAUAYAN CITY – Pag-uusapan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela kung susundin ang memorandum ng Cagayan Valley Regional Task Force on COVID-19 kaugnay sa paglalagay sa mga asymptomatic na pasyente ng Coronavirus Disease (COVID-19 sa mga quarantine facilities ng Local Government Units (LGU).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, sinabi niya na magpupulong ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan kasama ang Provincial Health Office (PHO) para mapag-usapan ang magiging desisyon kung susundin ang memorandum.
Nakasaad sa kautusan na lahat ng mga asymptomatic na pasyente ay sa mga LGU facilities na lamang dadalhin para isailalim sa quarantine at tanging mga symptomatic patients ang dadalhin sa mga accredited hospitals.
Ayon kay Atty. Binag, marami ang kailangang isaalang-alang bago maipatupad ang naturang memorandum.
Hindi aniya basta-basta na dadalhin na lamang sa mga LGU facilities ang mga asymptomatic patients dahil maari silang makahawa lalo pa at karaniwang eskwelahan ang gamit ng mga LGUs na quarantine facility.
Idinagdag pa ni Atty. Binag na matatakot din ang mga mamamayan kung malalaman na may malapit sa kanilang pasyente ng COVID-19.
Posibleng ito pa ang magiging dahilan na matakot na rin ang mga Locally Stranded Individuals (LSI) at Returning Overseas Filipinos (ROF) na maisailalim sa quarantine kung ito ang magiging panuntunan.
Mahihirapan din ang mga personnel sa mga quarantine facilities na mag-aasikaso sa mga asymptomatic dahil kulang ang ilang LGUs sa personnel na nagbabantay sa mga quarantine facilities.
Ayon kay Atty. Binag, hindi rin sila nagsanay na mag-asikaso sa mga COVID-19 positive cases.










