Umabot sa 37 katao ang nasawi matapos tamaan ng Russian drone ang isang warehouse na umano’y pinag-iimbakan ng mga bala, mina at iba pang ammunition sa kanluran ng Kyiv, Ukraine.
Naganap ang pag-atake noong Biyernes ng gabi sa Myla village sa Bucha district, kung saan nagdulot ang pagsabog ng malalaking sunog na kumalat sa mga kalapit na bahay at gusali.
Ayon sa Ukrainian officials, hindi bababa sa 50 residential buildings ang napinsala habang mahigit 370 katao ang inilikas. Karamihan sa mga nasawi ay mga residente umano ng isang care home para sa matatanda at mga taong may kapansanan.
Kinondena ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang insidente at tinawag itong resulta umano ng matinding kapabayaan sa pag-iimbak ng mga pampasabog malapit sa mga tahanan.
Sinabi rin ni Zelenskyy na ipinagbabawal ng batas ng Ukraine ang pag-iimbak ng ammunition malapit sa mga residential area at nagsimula na ang criminal proceedings kaugnay sa insidente.
Samantala, patuloy ang halos walang tigil na pag-atake ng Russia sa Kyiv at iba pang bahagi ng Ukraine mula nitong Huwebes.











