--Ads--

Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang monitoring sa bawat barangay kaugnay sa mga kaso ng maagang pagbubuntis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mamerto Gabriel Jr. Government Assistant Department Head 1 ng City Population Development Office, sinabi nito na batay sa datos noong nakaraang taon ay may apat na naitalang kaso ng teenage pregnancy sa hanay ng mga kabataang may edad 10-14.

‎Ayon sa opisyal, may tig-iisang kaso umano sa Barangay Rosario at Barangay Calao East, habang ang dalawa pa ay mula sa iba pang barangay sa lungsod. Gayunman, binigyang-diin nito na mas marami pa rin ang kaso sa edad 18 hanggang 20 pataas, at karamihan sa mga ito ay may asawa na.

Kadalasan umanong nasa ibang bansa ang magulang ng mga kabataang nabubuntis sa murang edad, at pinaaalagaan lamang sa kanilang mga kamag-anak.

--Ads--

Patuloy namang nagsasagawa ang Pamahalaang Lungsod ng hakbang at programa upang mapalakas ang kampanya laban sa maagang pagbubuntis at mabigyan ng sapat na gabay ang mga kabataan sa komunidad.