Iginiit ng Santiago City Police Office (SCPO) na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon upang tuluyang malinis sa kriminalidad ang buong lungsod ng Santiago.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL Saturnino Soriano, Chief ng Community Affairs and Development Unit (CADU) ng Santiago City Police Office, sinabi nitong hindi tumitigil ang kanilang hanay hangga’t hindi nakakamit ang target na ma-clear ang buong siyudad laban sa mga iligal na aktibidad.
Aniya, patuloy ang pagsasagawa ng mga buy-bust operation laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at iba pang krimen. Gayunman, aminado itong nahaharap sila sa hamon pagdating sa pagkuha ng search warrant laban sa malalaking personalidad o high-value targets.
Ipinaliwanag ng opisyal na nahihirapan ang kapulisan na maaresto ang ilang pangunahing suspek kung walang inilalabas na search warrant ang korte, bagay na aniya’y nakaaapekto sa agarang pagpapatupad ng operasyon laban sa mga ito.
Sa kabila nito, tiniyak ni Soriano na mananatiling agresibo ang SCPO sa kanilang kampanya laban sa kriminalidad at patuloy na makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang mapalakas ang pagpapatupad ng batas sa lungsod.
Nanawagan din ang pulisya ng kooperasyon mula sa publiko upang mapabilis ang kanilang layunin na mapanatiling ligtas at maayos ang Santiago City.











