--Ads--

Nahaharap ngayon sa patung-patong na reklamo ang isang security guard matapos umanong sampalin ang isang tsuper na nakasakay sa kaniyang sasakyan at hamunin pa ng suntukan ang mga rumespondeng pulis sa Barangay District 1 sa Cauayan City.

Kinilala ang suspek sa alyas na JD, 26 anyos, may asawa, isang security guard at residente ng San Manuel. Samantala, ang biktima naman ay itinago sa alyas na Johnjohn, 39 anyos, isang marketing salesman at residente ng Cabanatuan, kasama ang tatlong pulis ng Cauayan City Police Station na umano’y hinamon din ng suspek.

Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo mula sa Cauayan City Police Station, nakaparada umano sa tapat ng isang convenience store ang biktima habang bahagyang nakababa ang salamin ng kaniyang sasakyan.

Makalipas ang ilang sandali, sumilip umano ang suspek sa bintana ng sasakyan at bigla na lamang sinampal ang biktima nang walang sapat na dahilan, na naging sanhi ng pagkagising nito.

--Ads--

Pinilit pa umano ng suspek na buksan ang pintuan ng sasakyan at inikutan pa ito. Nang magkaroon ng pagkakataon, agad na bumaba ang biktima at humingi ng tulong sa mga nakaduty na pulis sa tapat ng isang gasolinahan sa lungsod, ilang metro lamang ang layo mula sa pinangyarihan.

Agad namang rumesponde ang mga kapulisan at nadatnan umano ang suspek sa loob ng convenience store na sumisigaw at naghahanap ng gulo.

Sa halip na makipag-usap nang maayos, minura pa umano nito ang mga pulis, hinamon ng suntukan, at sinuntok pa ang bintana sa loob ng convenience store.

Dahil dito, agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek at ang biktima para sa kaukulang imbestigasyon. Napag-alaman din umano na nasa impluwensya ng alak ang suspek nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa mga kasong physical injury, alarms and scandals, at disobedience to a person in authority.