--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang Sangguniang Kabataan (SK) Chairman matapos bumangga ang sinasakyan nitong motorsiklo sa nakaparadang sasakyan sa Brgy. Malalam sa Siyudad ng Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, tagapagsalita ng Ilagan City Police Station, sinabi niya na ang biktima ay si Aerome Josh Cabalonga at residente ng Centro San Antonio, City of Ilagan.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas umano ng biktima ang lansangan patungong San Antonio Region nang bigla itong mawalan ng kontrol sa kaniyang motorsiklo at bumangga sa nakaparadang sasakyan sa gilid ng daan.

Dahil dito ay nagtamo ng malubhang injury ang biktima na nagresulta sa kaniyang agarang pagkasawi.

--Ads--

Ayon kay PCapt. Andal, may kadiliman ang pinangyarihan ng insidente at wala ring warning signs ang nakaparadang sasakyan sa lugar kaya posibleng hindi rin ito napansin ng biktima.

Pinaalalahanan naman nito ang mga may sasakyan na huwag basta magpaparada sa gilid ng daan nang walang warning signs upang makaiwas sa disgrasya.