Hindi pagkakaunawaan ng tricycle drivers at pasahero, lumalala dahil sa taas-presyo ng petrolyo sa Santiago City.
Nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tricycle driver at pasahero sa Santiago City dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arnold Magbanua, isang tricycle driver, sinabi niyang nahihirapan ang mga tsuper na magdagdag ng pamasahe dahil may ilang pasahero ang nagre-react o nagagalit kapag mas mataas ang kanilang sinisingil, lalo na kung malayo ang destinasyon.
Ayon sa mga tsuper, malaki na ang epekto sa kanilang kabuhayan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Dahil dito, umaasa silang maa-update o maitaas na ang kasalukuyang fare matrix para sa mga tricycle sa lungsod upang mas maging akma ito sa kasalukuyang presyo ng petrolyo.
Ani Magbanua, nauunawaan naman nilang apektado rin ang mga pasahero sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Gayunman, umaapela siya ng pag-unawa mula sa publiko, dahil karamihan sa kanilang kinikita sa maghapon ay napupunta na lamang sa gastos sa gasolina.
Sa kabila nito, sinabi ng mga tsuper na sinusunod pa rin nila ang kasalukuyang pamasahe na itinakda ng lokal na pamahalaan, kahit aminado silang hindi na ito tumutugma sa kasalukuyang presyo ng petrolyo.











