Pansamantalang sinuspinde ng Department of Agriculture ang pag-export ng sariwang ube at planting materials dahil sa kakulangan ng suplay sa bansa, kasabay ng lumalaking demand sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa DA, kailangang dagdagan muna ang produksyon ng ube sa Pilipinas bago muling palakasin ang pag-export nito.
Lumalaki ang demand sa ube sa mga bansa tulad ng United States, Australia, Canada at United Kingdom, dahilan upang umabot sa $3.06 milyon ang halaga ng ube exports ng Pilipinas noong 2025.
Para matugunan ang kakulangan, naglaan ang pamahalaan ng ₱300 milyon para sa industriya ng ube sa 2027, habang isinusulong din ang tissue culture at community-based nurseries para dumami ang de-kalidad na planting materials.Patuloy ding minamapa ng Bureau of Plant Industry at University of the Philippines Los Baños ang mga lokal na uri ng ube upang maprotektahan ang mga ito laban sa biopiracy.











