Pormal nang kinilala ng World Bank (WB) ang Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC) matapos lumampas ang gross national income (GNI) per capita ng bansa sa itinakdang pamantayan para sa naturang kategorya.
Sa pinakahuling income assessment ng World Bank nitong Hulyo, naitala ang GNI per capita ng Pilipinas sa $4,850, mas mataas sa $4,636 na threshold para maituring na isang upper-middle-income country.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), bunga ang pag-angat na ito ng patuloy na paglago ng ekonomiya, maayos na pamamahala sa macroeconomy, at mga pangmatagalang repormang istruktural na isinagawa ng pamahalaan.
Sinabi ni Arsenio Balisacan na ipinakikita ng naturang pag-unlad ang katatagan at kakayahan ng ekonomiya ng Pilipinas na makabangon at lumago sa kabila ng mga pandaigdigang hamon.
Bagama’t inaasahang maaaring mabawasan sa paglipas ng panahon ang ilang mababang interes na development loans na nakalaan para sa mga mas mababang income countries, sinabi ni Balisacan na higit na malaki ang magiging benepisyo ng matatag na pundasyong pang-ekonomiya at mas malawak na akses sa pandaigdigang merkado.
Kinilala rin ng kalihim ang mahalagang ambag ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa patuloy na paglakas ng ekonomiya ng bansa.
Gayunman, binigyang-diin ni Balisacan na hindi nangangahulugan ang bagong katayuan ng Pilipinas na wala nang mga hamong pang-ekonomiya. Aniya, nananatili pa ring mahalagang tugunan ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay ng oportunidad, at iba pang suliraning pangkaunlaran upang matiyak na mararamdaman ng lahat ng Pilipino ang bunga ng paglago ng ekonomiya.











