--Ads--

CAUAYAN CITY –  Nabawi  sa Tagudin, Ilocos Sur ng mga miyembro ng  Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO) ang limang araw na sanggol na tinangay ng isang dating Overseas Filipino Worker (Ofw)  sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay  PSSgt Hazel Krislie Ignacio, investigator Station 2 ng SCPO, sinabi niya na matapos maireport sa kanila ang pagnanakaw sa sanggol sa SMIC ay agad silang gumawa ng hakbang kabilang ang pamamahagi ng litrato ng babae mula sa nakuhang CCTV footage.

Sa pamamahagi nila ng mga larawan ng suspek na si Virginia Semana, 40 anyos at residente ng Raniag, Ramon, Isabela sa mga bus terminal sa Santiago City ay ilang  ilang  tao ang nagsabi sa kanila na nakita nila ang isang babae na may dalang  sanggol at sumakay ng bus.

Ayon pa kay PSSgt Ignacio, isa sa mga kamag-anak ng suspek ang nagbigay ng impormasyon sa kanila hinggil sa  kinaroroonan ng suspek matapos maibalita ang kuwento ng pagtangay ng babae sa isang sanggol mula sa SIMC.

--Ads--

Napag-alaman nila na si Semana ay umuwi sa bansa noong Pebrero 2019 mula sa pagtatrabaho sa Kuwait kung saan niya nakilala ang boyfriend na isang seaman.

May nangyari umano sa kanila ng seaman at nagpanggap na siya ay buntis ngunit dahil hindi totoo at nais ng nanay ng seaman na makita ang kanyang apo ay gumawa ng paraan si Semana para may maiuwing sanggol sa bahay ng kanyang boyfriend sa Baracbac, Tagudin, Ilocos Sur.

Noong september 11, 2019 ay nagpost si Semana sa social media ng larawan ng isang sanggol at sinabing nanganak na siya kaya pumunta ang nanay ng seaman sa kanilang lugar sa Raniag, Ramon, Isabela subalit  hindi siya nagpakita.

Matapos makakuha ng mga impormasyon ay nagtungo ang mga miyembro ng SCPO sa Baracbac, Tagudin, Ilocos Sur  at naabutan ang sanggol na nakahiga sa sala habang ang babae ay nakasuot ng pajama at sweater na tila bagong panganak.

Ayon kay PSSgt Ignacio, nagmatigas pa rin si Semana na anak niya ang sanggol ngunit tumigil sa pagsasalita nang sabihin niya na huwag na siyang magsinungaling dahil mapapahiya lamang siya kapag ipinakita niya ang CCTV footage sa ospital.

Nag-hysterical na rin ang nanay ng seaman at sinabing sana ay naniwala siya sa mga sinabi sa kanya tungkol kay Semana.

Sa pagpunta ng ginang sa lugar ng suspek ay doon niya nalaman ang ilang impormasyon tungkol sa kanya na mayroon siyang dating mister sa Aglipay, Quirino.

Gumamit din umano ng ibang pangalan si Semana ngunit napag-alaman din niya ang tunay na pangalan nito sa pamamagitan ng kanyang passport at NBI clearance ngunit tinanggap pa rin siya nang iuwi ang bata sa kanilang lugar.

Ayon kay Ignacio, habang nagbibiyahe sila pabalik sa Isabela ay tahimik si Semana at kalaunan ay sinabi na ibinigay ang sanggol ng kanyang tunay na ina.

Ang tinig ni PSsgt Hazel Krislie Ignacio

Ayon pa kay SSgt Ignacio, sa kanilang imbestigasyon ay napag-alaman nila na ang puntiryang tangayin ng suspek ay ang bagong panganak na sanggol sa loob ng ward ng ospital dahil ang ina ng sanggol ay nasa hallway sa labas ng ward dahil wala nang bakante sa loob.

Gayunman nang nang makakuha ang pagkakataon ay ang sanggol ni Gng. Brendalyn Yacap ang kanyang tinangay.

Naibalik na ang sanggol sa kanyang mga magulang.