CAUAYAN CITY – Arestado ang anim na katao matapos silang maaktuhang naglalaro ng tong its sa isang bahay sa Brgy. Osmena, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang nahuli ay isang singkuwenta anyos na babae na mula sa Brgy. Ibung, Villaverde, isang kuwarenta’y nuebe anyos na babae na mula sa Brgy. Quirino, Solano, isang animnapu’t isang taong gulang na lalaki na mula sa Brgy. Tuao North, Bagabag, isang kuwarenta’y nuebe anyos na babae na mula sa Brgy. Villa Coloma, Bagabag, isang singkuwenta’y sais na babae na mula sa Brgy. Banganan, Aritao at isang singkuwenta’y siyete anyos na babae na mula sa Brgy. Osmena, Solano.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang dalawang set ng baraha at pantaya na nagkakahalaga ng 103,150 pesos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo ang Chief of Police ng Solano Police Station napag-alaman na ilang beses na umanong sinabihan ang mga nahuli na itigil na ang pagsusugal ngunit hindi umano sila nakikinig.
Dahil dito ay humingi na ng tulong ang isang concerned citizen sa mga pulis na kaagad namang nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakahuli ng mga magkukumare.
Ayon sa hepe nakatakbo ang may-ari ng bahay na kaibigan din ng mga nahuling suspek.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Solano Police Station ang mga nahuli kung saan sila ay mahaharap sa kasong iligal na pagsusugal.











