Sumalpok sa gutter ng isang tulay ang isang truck habang binabaybay ang National Highway patungong Alicia, Isabela sa Barangay Alinam, lungsod ng Cauayan ngayong araw.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, patungo ang truck sa timog (south) direction mula sa boundary ng Cauayan City patungong bayan ng Alicia nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa paunang imbestigasyon, bigla na lamang umanong hindi napansin ng driver ang pasukan ng tulay, kaya sa halip na pumasok sa dalawang lane ng tulay, dumiretso ito sa gutter.
Posibleng nakaapekto sa insidente ang disenyo ng kalsada: apat na lane ang National Highway bago ang tulay, ngunit nagiging dalawang lane lamang pagpasok sa mismong tulay, na nagdudulot ng narrowing o pagsisikip ng daanan.
Dahil sa lakas ng pagbangga, napaitaas ang unahang bahagi ng truck at bahagyang nahulog ang ilang bahagi nito sa gutter ng tulay.
Sa kabila ng aksidente, wala namang napaulat na nasugatan at wala ring ibang sasakyang nadamay.
Ayon sa mga residenteng malapit sa lugar, kaninang umaga lamang nila napansin ang truck dahil wala pa umano ito noong gabi, kaya pinaniniwalaang madaling araw naganap ang aksidente.
Sa kasalukuyan, hindi pa naaalis ang truck sa lugar at nananatili pa rin ito sa bahagi ng tulay. Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at magbagal sa pagdaan habang patuloy na iniiwasan ang nakaharang na sasakyan.











