--Ads--

Nagsanib-puwersa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa bayan ng San Agustin upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko ngayong Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ Ranilo Bumagat, Chief of Police ng nasabing bayan, sinabi niyang magkatuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines o AFP, Bureau of Fire Protection (BFP), Rural Health Unit (RHU), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Local Government Unit (LGU) sa pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad.

Ayon kay PMaj. Bumagat, naka-full alert status na ang kanilang himpilan mula pa sa unang araw ng Semana Santa. Naka-deploy na rin ang mga kapulisan sa mga itinuturing na critical areas upang maiwasan ang anumang krimen at aksidente.

Mahigpit na rin na binabantayan ang mga barangay ng Bautista, Laog, Sinaongan Norte, Masaya Norte, at Masaya Centro, na karaniwang dinarayo ng mga residente at bisita para sa pagpi-picnic at pagligo sa ilog. Katuwang ng pulisya ang RHU at mga opisyal ng barangay sa pagbabantay upang maiwasan ang mga insidente tulad ng pagkalunod.

--Ads--

Nagpaalala rin ang hepe ng pulisya sa publiko na tiyaking nakakandado at ligtas ang kanilang mga tahanan bago umalis upang maiwasan ang pagnanakaw.

Pinayuhan din niya ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, magsuot ng kaukulang protective gear gaya ng helmet, at iwasan ang overloading upang makaiwas sa aksidente sa kalsada.

Samantala, ipinaalala rin ng opisyal ang pagpapatupad ng Executive Order No. 23 ni Mayor Raden Mondala, na nagbabawal sa pagbili at pagbebenta ng mga nakalalasing na inumin sa buong bayan ng San Agustin sa panahon ng Semana Santa.

Samantala, handang handa rin ang pamunuan ng Rural Health Unit o RHU San Agustin na tugunan ang pangkalusugang pangangailangan ng publiko.

Sa pakikipag-panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Midwife Fe Mangaoil, ng naturang bayan, sinabi niyang naka-deploy sa apat na barangay ang mga health personel ng RHU upang kaagad na matulungan o mabigyan ng paunang lunas ang sinumang mangailangan.

Kabilang sa apat na barangay na binabantayan ng mga kasapi ng RHU ang Salay, Sinaongan Norte, Bautista, at Masaya Norte.

Aniya, nakahanda ang mga magagamit na sasakyan, paunang gamot at rescue responders sa oras ng pangangailangan.