Iginawad ni PBGEN. Mariano Rodriguez ng Police Regiobal Office (PRO 2) ang pagkilala sa isang pulis na nasugatan sa isinagawang operasyon ng pulisya na nauwi sa armadong engkwentro habang isinasagawa ang serbisyo ng warrant of arrest laban sa isang suspek sa kasong Other Light Threats sa ilalim ng Article 285 ng Revised Penal Code.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PBGEN Rodriguez, ang parangal ay pagkilala sa katapangan, katatagan, at propesyonal na pagtupad sa tungkulin ng operatiba sa gitna ng aktuwal na banta sa buhay.
Bandang 9:30 ng gabi noong Mayo 2, 2026, isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Nagtipunan Police Station at 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company (QPMFC) ang operasyon sa Sitio Masug, Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino upang ipatupad ang warrant of arrest laban sa suspek na kinilalang si alyas “Mario,” residente ng naturang lugar.
Habang isinasagawa ang tactical approach ng mga operatiba sa target na lokasyon, agad umanong nagpaputok ang suspek gamit ang isang improvised shotgun, na nagbunsod ng agarang defensive response fire mula sa mga pulis upang neutralisahin ang banta at maprotektahan ang kanilang buhay.
Sa naganap na armadong sagupaan, si Patrolman Jimboy Erang, 36 years old, ng 2nd QPMFC, ay nagtamo ng tama ng bala.
Sa kanyang salaysay sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi niya na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek bago ang operasyon at pagdating sa lugar ay agad silang pinaputukan, na nagresulta sa kanyang pagkakasugat at sa pagsiklab ng engkwentro.
Agad siyang binigyan ng paunang lunas sa Barangay Hall ng Disimungal bago isinugod sa Maddela District Hospital sa pamamagitan ng Rescue 105 ng Nagtipunan.
Kalaunan ay inilipat siya sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) para sa mas masusing medikal na pamamahala.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek kasama ang isa pang indibidwal.
Agad namang naglunsad ang pulisya ng hot pursuit operation na nagresulta sa kanyang pagkakadakip bandang 6:30 ng umaga nitong Mayo 3, 2026 sa Sitio Sangbay na kanyang ikalawang pinagtataguan.
Ayon sa ulat, nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib ang suspek at kaagad ding isinailalim sa medikal na atensyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang buong pangyayari at ang posibleng pananagutan ng iba pang sangkot.
--Ads--











