Nilinaw ni Acting Senate President at Senate President pro tempore Win Gatchalian na hindi naka-lockdown ang Senado.
Ito ay kasunod ng direktiba na ipatupad ang work-from-home arrangement para sa mga empleyado at kawani, pati na rin ang mas pinahigpit na seguridad matapos ang natanggap na intelligence information hinggil sa umano’y banta sa Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Gatchalian, hindi lockdown ang ipinatutupad kundi mas mataas na antas ng seguridad lamang sa loob ng Senado.
Ipinaliwanag din niya na case-by-case ang pagpasok ng mga kawani sa gusali, lalo na ang mga may mahalagang tungkulin tulad ng sa finance at administration na kailangang magproseso ng sahod ng mga empleyado.
Giit pa ng senador, mahalaga ang koordinasyon at malinaw na dahilan bago payagang makapasok ang sinuman sa gusali.
Sakop din ng heightened security measures ang mga senador, kaya’t nananawagan siya ng pagsunod sa bagong work arrangement. Maaari pa ring makapasok ang mga mambabatas kung may opisyal na tungkulin.











