--Ads--

Nagbigay ng karagdagang detalye si Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi kaugnay ng panukalang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Iran at Estados Unidos na layong mapahupa ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Araghchi, kabilang sa draft agreement ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang pandagat para sa pandaigdigang kalakalan ng langis, gayundin ang pagwawakas sa naval blockade na ipinataw ng Estados Unidos sa Iran.

Nakapaloob din sa panukala ang mga probisyon para sa Lebanon, kabilang ang pagtigil ng labanan at iba pang hakbang para sa pagpapanumbalik ng katatagan sa rehiyon.

Sinabi ni Araghchi na hindi pa pinal ang kasunduan at maaari pa itong sumailalim sa mga pagbabago habang nagpapatuloy ang konsultasyon ng magkabilang panig. Iginiit din niya na mananatili sa ilalim ng kontrol ng Iran at Oman ang pamamahala sa Strait of Hormuz at hindi ito ibabalik sa dating kaayusan bago sumiklab ang kaguluhan sa rehiyon.

--Ads--

Batay sa mga ulat, kabilang din sa mga usaping tinatalakay ang posibleng pagluwag ng ilang economic sanctions laban sa Iran at ang pagpapalaya ng bahagi ng nakapirming pondo ng bansa sa ibang bansa.

Gayunman, nilinaw ng Iranian foreign minister na wala pang pinal na desisyon at hindi pa nalalagdaan ang naturang kasunduan.