--Ads--

Natagpuang walang buhay ang isang 14-anyos na dalagita sa loob ng comfort room ng Information Center Tourism Building sa Kasibu, Nueva Vizcaya nitong Sabado ng hapon, Hunyo 13, habang isang 17-anyos na pinsan nito ang itinuturong pangunahing suspek sa insidente.

Ayon sa Kasibu Municipal Police Station, natuklasan ang bangkay ng biktima ng kanyang pamilya na nakahandusay sa loob ng gusali na walang bantay noong mga oras na iyon. Batay sa paunang imbestigasyon, ang sanhi ng pagkamatay ay asphyxia by strangulation.

Sa salaysay ng pamilya, umaga pa lamang ng Hunyo 13 ay hinahanap na ang dalagita ng kanyang kapatid na babae. Sa kanilang paghahanap, napadpad sila sa naturang gusali kung saan nakita ang sapatos ng biktima, na nag-udyok sa patuloy na pag-inspeksyon sa loob ng lugar.

Dakong alas-2 ng hapon nang bumalik ang kapatid kasama ang kanilang ina at doon na natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng dalagita sa comfort room. Nahirapan umano silang agad makapaghain ng tulong dahil sa kawalan ng cellphone signal at naganap ding brownout sa lugar.

--Ads--

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at natunton ang 17-anyos na suspek sa tulong ng kanyang ama. Kasalukuyang nasa kustodiya na ito ng mga awtoridad kasama ang pamilya at mga kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang proseso.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong motibo at iba pang detalye ng insidente.