Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan ang isang lalaki na kabilang sa Top 10 Most Wanted Person sa municipal level sa isinagawang warrant operation sa Brgy. Apanay, Alicia, Isabela kamakailan.
Ang suspek ay 46 taong gulang, may asawa, at nagtatrabaho bilang maintenance crew. Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Section 28(a) ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Republic Act 7166 kaugnay ng COMELEC Resolution No. 10446.
Isinagawa ang pag-aresto ng magkasanib na operatiba ng Alicia Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit 2, at Isabela Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit sa bisa ng Alias Warrant of Arrest. Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong kinahaharap ng akusado.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago siya dinala sa kustodiya ng Alicia Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda sa turnover sa hukuman na naglabas ng warrant.
Ayon sa pulisya, ang matagumpay na operasyon ay resulta ng masusing intelligence monitoring at target profiling sa suspek bilang wanted person.











